Ano ba itong buhay
kung awas ng sindak.
Wala nang pasyang tumindig
sa kabila ng pagsagpak.

Wala nang pasyang mapanatag
sa kinasasapnan ng mga paa.
Ni hipuin ang mga tiklap na kalyo
ng palad at kaluluwa.

Titikod-tikod kang naglalakbay
tungo sa kalagutan ng hininga
sa himig ng matamlay
na tawag ng Maglawa.

Kahit sandali lang paisano,
Iyan ay pagbulay-bulayan.
Baka isa ka lamang kabig
nitong pinagkaitan ng kamalayan.